San Sebastian-Sundalo at Martir ng Kristiyanismo

Mga Tala Ukol sa Kanyang Buhay at Panahon


"San Sebastian" obra ni Gerrit Van Honthorst. 1623



San Sebastian

Kristiyanong martir na sinasabing nabuhay noong ikatlong siglo (ca. 300 A.D). Ipinanganak sa Gallia Narbonensis (ngayon ay Narbonne , France) sakop ng Imperyong Romano, si San Sebastian ay lumaki at nag aral sa Milan, Italia at sa kanyang pagbibinata  ay naatasan  bilang Kapitan sa "Guardia Pretoriana" ng Imperyo.




Ang Imperyong Romano sa panahon ni San Sebastian. Sakop nito ang Kanlurang Europa. Ang mga bansang tinatawag ngayon na Italia, Grecia, Francia (Gallia), Turkey (Asia Minor). Kasama din ang kanyang mga kolonya na Britannia, Espanya at ilang lugar sa hilagang Africa, Gitnang Silangan kasama ang Judea at Palestina (Israel)
                              



"Guardia Pretoriana" (Praetorian Guards) - hukbo sa sandatahan ng Imperyong Romano na nagsisilbing tagapangalaga ng Emperador o "bodyguard unit ". Sa panahon ngayon maihahalintulad sila sa PSG,  ang Presidential Security Group ng Presidente ng Pilipinas. Si San Sebastian ay isang Centurion sa hukbong pumoprotekta sa Emperador ng Roma .

                               


"Centurion" May katumbas na rango ng Kapitan. Sa "Roman Infantry" ang isang centurion ay may 83 hanggang 100 sundalo nasa ilalim ng kanyang "command" at pangangasiwa. Ang tropang ito ay tinatawag sa wikang Latin na "Centuria". Karamihan naman ng mga Centurion ay galing sa payak na pamilya ng Roma at karatig pook ng Imperio.

Ang anim na Centuria  ay tinatawag na "Cohorts". At ang mahigit sampung Cohorts ay tinatawag naman na "Legion". Marahil ang Legio XIII (13th Legion) ni Julius Cesar ang pinaka kilalang Legion Romano sa kasaysayan.
                                


Icon ni Jesus. Unang siglo


Ang Kristiyanismo sa Unang Siglo

Sa pamamagitan ng mga Apostoles at lalong lalo na si San Pablo, ang tinawag na Apostol ng mga Hentil,  lumaganap ang Ebanghelyo ni Jesu Kristo sa imperyo ng Roma ilang taon lamang matapos niya itong maihayag sa kanyang bayang Israel . Subalit gaya na rin ng babala ni Kristo naging masalimuot ang pag umpisa ng Kristiyanismo. Dumaan ang mga sinaunang Kristiyano sa matinding pagsubok gaya ng pag uusig at pag lilipol.


Emperador Nero
              
Emperador Nero (Naging Emperador  54-68 A.D). Nag umpisa ang sistematikong pag uusig ng mga Kristiyano sa Roma noong panahon ni Emperador Nero. Sinisi ng Emperador ang malaking sunog sa Roma noong Julio 64 A.D sa mga tagasunod ng sinasabing "isang taga Galilea na tinatawag na Jesucristo". Agad agad nilipol ang kanyang mga tagasunod at hinatulan ng mga brutal na paraan ng kamatayan.

Nero tumutugtog ng Harpa habang nasusunog ang Roma
Sa pagkasunog ng Roma, isang usap usapan ang umusbong na di umano'y pinanood lamang ni Nero na nasusunog ang kanyang bayan habang tinutugtog ang kanyang harpa. Nakahanap din siya ng kombinyenteng maituturong may pakana ng sunog; ang mga Kristiyano.



Paglipol sa mga Kristiyano

Inusig at pinag papatay ang mga Kristiyano sa ibat- ibang uri ng pamamaraan. Ang ilan sa mga naging unang martir ng pananampalataya ay walang iba kundi sina San Pedro, ang Apostol na inatasan ni Kristo mamuno ng kanyang kawan at si San Pablo.




Roman Mosaic- Marami klase ng pagpaparusa at pagpatay ang ginawa ng mga Romano sa mga Kristiyano, isa na dito ang pagpapakain sa mababangis na hayop sa gitna ng arena.

Si San Pedro ay ipinako sa krus ng pabaliktad sa Circus Maximus

Dahil si San Pablo ay isang "Roman Citizen" binitay siya sa mabilis na pamamaraan, ang pagpugot ng ulo
                      

                                 
                                                                         
Christian Virgins Exposed to the Populace obra ni Felix Resurrección Hidalgo 1884
Ang mga kababaihang Kristiyano naman ay pinahiya sa gitna ng mga hayok na kalalakihan, ang iba ay ginahasa at inabuso bago  pinatay, gaya ng makikita sa obrang ito na iginuhit ng batikang pintor Pilipino na si Felix Resurreccion Hidalgo noong 1884.




Nero sa Colosseo
Naging uri pa ng libangan o "entertainment" sa mga Romano ang pagpatay sa mga kristiyano. Katunayan si Emperador Nero pa ang nangunguna manonood nito.


Nero sa gitna ng arena .Kadalasan pa ay bumababa ang nasabing Emperador sa arena upang makita personal ang naganap na pagbitay. Obra ni Henryk Siemiradzki



Noong Marso 68 AD nagkaroon ng pag-aalsa sa Imperyo laban sa pamumuno ng Emperador Nero, pinangunahan ito ng ilang elemento ng "Guardia Pretoriana". Isa-isang nagapi ang mga loyalista ni Nero. Nagtago ang Emperador sa Roma at noong 6 Junio 68 AD, dahil talo at wala ng kapanalig, nagdesisyon si Nero na magpakamatay. Hiniling niya sa kanyang sekretarya na siya ay utasin. Ayon sa tala,  ang huling salitang namutawi kay Nero ay; "Qualis Artifex Pereo" kapag isinalin sa tagalog ay "isang magaling na artist din ang mamamatay sa akin"

 Pansamantalang natigil ang pag uusig sa mga kristiyano pagkamatay ni Nero, ngunit hindi nangahulugang sila ay naging ligtas. Napilitan matago at maglihim ang mga kristiyano lalo na sa kanilang pagsamba at pananampalataya kay Kristo. Ang mga sumunod na  Emperador ay naging mapagmatyag sa grupo ng mga taong ito na binansagan nilang "may kakaibang uri ng relihiyon na kumakain ng katawan at umiinom ng dugo ng kanilang Panginoon".

Sa ganitong uri ng panahon at sirkumstansya isinilang si San Sebastian. Bagamat mapanganib maging kristiyano, pinili parin ng kanyang magulang na akapin nila ang pananampalataya kay Kristo.

Si San Sebastian ay naging centurion sa hukbong Romano. Pinadala sa Roma upang pangasiwaan ang pagbabantay at pag iingat sa Emperador ng Roma na si Diocleciano.

Emperador Diocleciano
 Diocleciano- Naging Emperador ng Roma (West) sa panahong  284-305 AD. Bagamat kinilala ng Kasaysayan ang ilan niyang mahusay na reporma sa Imperyong Romano, kilala din siya bilang Emperador na nag utos sa muling pag usig at paglipol ng mga Kristiyano, (marahil isa na sa pinaka malupit na pag uusig sa kawan ni Kristo sa kasaysayan ng daigdig). Nag umpisa ito ng si Emperador Diocleciano ay kumunsulta sa "Oracle ni Apollo" isang uri ng hula na tinataguyod ng mga taga sunod ni Apollo (Diyos diyosan ng mga Romano). Sinabi sa "Oracle"  na hindi makapag bigay ng payo at tulong si Apollo sa Imperio dahil sa mga maling pananampalatayang kumakalat. Agad binigyan kahulugan na ang tinutukoy ay ang mga Kristiyano, kaya noong Pebrero 303 AD, muling inumpisahan ng Imperyo ang pag lupil sa mga Kristiyano.

Lingid sa kaalaman ni Emperador Diocleciano, isa sa matapat niyang taga bantay at miyembro ng kanyang sandatahan na naka himpil pa man din sa ilalim ng kanyang bubong ay isang Kristiyano -- Si Sebastian na centurion. Lingid din sa kaalaman ng Emperador palihim na pumupuslit ang nasabing centurion upang damayan ang kapwa niya Kristiyanong nakapiit at naghihintay ng kamatayan. Isa na dito ang magkapatid na "Marco at Marcellano" mula sa isang kilalang pamilya sa Roma. Ikinulong sa kadahilanan ayaw ng magbigay pugay sa diyos-diyosan ng mga Romano. Binisita sila ng kanilang magulang upang kumbinsihin na itakwil na ang kanilang pagka Kristiyano. Subalit ng inabutan ni Sebastian ang magulang at mga anak sa piitan na nag uusap, pinalakas pa pa nya ang pananampalataya ng magkapatid, sa huli ay nahikayat din ni Sebastian ang mga magulang nila "Marco at Marcellano' na maging Kristiyano.

Nakakapagpagaling din si Sebastian ng isang pipi nagmula sa marangal na pamilyang Romano at totoo nga na karamihan ng kanyang nahikayat ay mula sa alta sociedad ng Imperyo. Kaya ikinagulat at ikinagalit ito ng Emperador. Nang mabunyag ang tunay na pagkatao ni San Sebastian, bagamat masama ang loob, dahil na rin sa paghanga sa serbisyo sa kanyang centurion kristiyano, iniutos ni Diocleciano ang kamatayan ni San Sebastian sa pamamagitan ng pagpana.

San Sebastian obra ni Hans Holbein 1516


Halos mapuno ng pana ang katawan ni San Sebastian nang isakatuparan ang utos ng Emperador, subalit himala siyang nabuhay. Iniwan sa isang burol sa pag-aakalang patay na. Natagpuan ng isang balo nangangalang Irenea (Santa Irenea) ang sugatan at agaw buhay na si San Sebastian. Agad inuwi at ginamot ang mga natamong sugat. Ayon sa tala habang si San Sebastian ay nagpapagaling ng mga sugat, isang batang bulag ang lumapit sa kanya. Tinanong niya ang bata 'Ibig mo bang masilayan and tunay na Diyos?" Sumagot ang bata ng 'opo' , pinag antanda ng centurion ang bata at agad agad  ito ay nabiyayaan ng paningin. Sa himalang ito lalo pang dumami ang sumampalataya kay Kristo.


Ang Paggamot ni Santa Irenea kay San Sebastian obra ni Nicolas Regnier ca 1620

Nang maghilom na ang sugat ng centurion, nagkataon naman dumaan sa lugar ni Santa Irenea ang isang tropa ng sundalong Romano kasama ang Emperador. Lumabas si Sebastian upang ipakita sa Emperador  na siya ay buhay pa. Marami sa tropa ang namangha sa himalang ito subalit lalo lang nag init si Diocleciano agad agad inutos niyang patayin na ang kristiyanong centurion sa kanyang harapan. Dahil sa matinding pambubugbog at sa mga iba pang sugat na natamo, binawian ng tuluyan ng buhay si San Sebastian. Namatay na buo ang paniniwala sa tunay na Diyos. Sinasabing inilagak ang labi ng Santo sa Via Appia sa Roma. (Catacombe di San Sebastiano)

"Ang Pagkamartir ni San Sebastian" obra ni Paolo Veronese 1565


Nagbitiw naman sa katungkulan bilang Emperador si Diocleciano sa dahilang pangkalusugan. Umuwi ito sa kaniyang probinsya ng Dalmatia (parte ng Imperyo ng Roma ngayon ay Croatia) at naging magsasaka ng repolyo. Subalit ayon sa ulat,  sa kanyang mga huling araw ito ay naging balisa at bugnutin. Hindi nagtagal, nagpatiwakal ang dating Emperador.  Subalit nagpapatuloy pa din ang pag-uusig sa mga tagasunod ni Kristo noong mga panahong yaon.

Hindi pa man din natatapos ang paglipol sa mga Kristiyano, isang giyera civil (306-324 AD) ang pumutok sa Imperyo,  kung saan pinaglabanan ng tatlong Heneral ng hukbong Romano ang kapangyarihan. Isa dito ay si Constantino I (Constantine the Great).


Rebulto ni Constantino


Noong Oktubre 312 A.D, sa bisperas ng isang importanteng labanan nakapanaginip si Constantino ng krus sa langit at may salitang "In Hoc Signo Vinces" sa tagalog ay ..."Sa simbolong ito ikaw ay magwawagi" agad inilagay ng Constantino sa mga kalasag ng kanyang legion ang simbolo ng krus na napanaginipan.


Krus ni Constantino. May letrang Chi Rho sa alpabetong Griyego na sumasagisag kay Kristo


Nagapi ni Constantino ang kanyang mga karibal at sa pamamagitan niya at kanyang pamumuno, naging maayos ang pakikitungo ng Imperyo sa mga Kristiyano. Natigil ang pag uusig at hindi nalupig ang kawan ni Kristo. Lumipas ang ilang panahon, naging opisyal na relihiyon ng Roma ang Kristiyanismo. Lumaganap din ang Ebanghelyo  sa apat sulok ng daigdig. Ito marahil ay dahil na din sa dugo at sakripisyo ng mga sinaunang Kristiyanong katulad ni San Sebastian.

Ipinagdiwang ang kabayanihan ni San Sebastian sa pananampalataya tuwing ika 20 ng Enero.

                                 
                    

                                        Catacombe di San Sebastiano (Via Appia)


Catacombe di San Sebastiano- Ang pinaniniwalaang pinaglalagakan ng labi ni San Sebastian. sinasabi dito din unang inilagak ang labi ni San Pedro at San Pablo, apostoles ni Kristo

Ang Entierro ni San Sebastian sa  nasabing simbahan

Isang section ng Catacombe. Ito ay dating libingan ng mga pagano ng panahon na ang Roma ay isang imperyo

Via Appia - Matandang kalsada sa Roma. Naging importante ang Via Appia noong panahon ng kalakasan at karangyaan ng Roma dahil dito dumadaan ang komunikasyon at komersyo ng imperio

May isang lugar sa Via Appia na kung tawagin ay "Domine, Quo Vadis?" (Panginoon saan po kayo patungo?). Ito ay nagmula sa kwento tungkol kay San Pedro, na noong inumpisahan ng arestuhin ang mga Kristiyano sa Roma noong panahon ni Nero ang nasabing apostol ay nandoon din sa Roma at nangangaral. Agad agad nagsitakas ang mga Kristiyano kasama si San Pedro, tumatakbo sa Via Appia palayo sa Roma, ng biglang nakasalubong ang figura ni Kristo pasalungat ang pupuntahan, patungo sa Roma. Agad nagtanong si San Pedro "Domine ...Quo Vadis?" Sumagot si Kristo.."Pupunta ako sa Roma, upang magpapakong muli". Agad natigilan si San Pedro....sinundan ang yapak ni Kristo. Bumalik siya sa Roma upang makasama ng mga Kristiyanong nilipol ng imperyo. Sa Roma hinuli si San Pedro at ipinako sa krus.



~ Lungsod ng Pasig Enero 2012



Mga Komento